-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY-Pinapayuhan ni Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office o PDRRMO-Cagayan ang mga residente sa mga low lying areas na maging alerto sa posibleng mga pagbaha.

Sinabi ni Rapsing na patuloy pa rin ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan dahil sa mga bumababang tubig mula sa mga pag-ulan sa upstream o sa Quirino at Nueva Vizcaya dulot ng Northeast monsoon o hanging amihan.

Ayon kay Rapsing sa ngayon ay hindi na madaanan ang Pinacanauan overflow bridge at ang Pinacanauan Nat Tuguegarao Boulevard.

Impassable na rin ang kalsada sa mga barangay ng San Juan, San Vicente at San Roque sa bayan ng Enrile bunsod ng pagbaha.

Hindi na rin madaanan ng 4 wheels ang Nabuculan bridge sa Amulung West dahil may ilang bahagi ng tulay ang nasira.

Ayon pa kay Rapsing, nasa 8 meters o warning level pa rin ang water level sa Buntun at posibleng tumaas pa ito bunsod ng nararanasan pa rin na moderate to heavy rains sa upstream.

Dahil dito, patuloy ang monitoring ng Task Force Lingkod Cagayan at lokal na pamahalaan sa mga mababang lugar na madalas na nakakaranas ng mga pagbaha tulad sa centro 9, 10, 11, at 12 at sa Linao at Annafunan sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que na bukod sa mga family food packs na nakahanda para ipamahagi ay nakahanda na rin ang LGU upang magpatupad ng pre-emptive evacuation sa mga low lying areas kung umabot sa 9 meters na critical level ang lebel ng tubig sa Buntun bridge.

Sa ngayon ay nasa 40 pamilya sa Brgy Centro 10 ang apektado ng pagbaha.

Samantala, batay sa pinakahuling abiso ng NIA-MARIIS, sinabi ni Gen. Manager Engr. Gileu Michael Dimoloy na ipinagpaliban ngayong araw ng Sabado ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam subalit may posibilidad na itutuloy ito bukas, Enero-8 sa oras na alas 8:00 ng umaga o depende sa mga pag-ulan ngayong gabi sa watershed area.

Sa ngayon ay nasa 188.72 meters ang water level ng Magat Dam na malapit na sa spilling level na 190 meters.