-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Dalawa na ang patay habang apat ang napaulat na nawawala dahil sa sama ng panahon na naranasan sa Bicol kasabay ng Bagong Taon bunsod ng tail-end of a frontal system.

Sa tala ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol, dalawa sa mga nasawi ang mula sa Pilar, Sorsogon at Garchitorena, Camarines Sur habang nagpapatuloy pa ang search and rescue operations sa isang taga-Labo, Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol information officer Gremil Naz, hinihintay pa ang official report sa 13-anyos na binatilyo sa Bulan na sinasabing natagpuan na gayundin sa dalawang lulan ng bangkang lumubog sa Garchitorena.

May mga lugar naman sa rehiyon na naiulat na hindi pa rin madaanan kagaya ng Panganiban-Sabloyon Road sa Catanduanes, Bacon-Manito Road dahil sa landslide at Pilar-Donsol road partikular na sa Brgy. Gura dahil sa malalim na baha.

Matapos ang clearing operations, nabuksan na rin ang isang lane ng Tiwi-Sagñay road na naharangan ng landslide.

Hinihintay pa sa ngayon ng tanggapan ang isusumiteng datos sa sektor ng imprastraktura at agrikultura upang matukoy ang halaga ng pinsala.