-- Advertisements --

Muling dumanas ng mabibigat na pag-ulan ang ilang bahagi ng Catanduanes sa Bicol Region at Eastern Samar sa Eastern Visayas dahil sa patuloy na pag-iral ng Shear Line.

Dahil dito, ilang mga kakalsadaan ang inabot na ng tubig-baha tulad ng national highway sa Barangay Cabugao, Bato, Catanduanes kung saan ilang bahagi pa ng kalsada ay inabot hanggang sa binti.

Parehong sitwasyon din ang nararanasan sa ilang kakalsadahan sa Brgy. Solong, Can-avid, Eastern Samar kung saan ilang kakalsadahan nito ang lubog na sa tubig baha.

Ilang kabahayan na rin ang inabot ng pagbaha sa dalawang probinsya, kung saan nagpapatuloy na ang ginagawang paglikas sa mga residente.

Samantala, dahil sa mabibigat na pag-ulan, sinuspinde na rin ang pasok sa ilang lugar ngayong araw.

Sa Virac, Catanduanes, lahat ng lebel, mapa-pribado man o pampublikong eskwelahan ay suspendido.

Sa Sorsogon City, suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng lebel at gagamitin na muna ang panuntunan sa asynchronous classes.