BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng Food and Drug Administration ang ilang boxes ng Ma Ling na nakumpiska ng African Swine Fever Task Force ng lalawigan ng Negros Occidental kasabay ng kanilang pag-iikot sa mga supermarket sa lungsod ng Bacolod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Provincial Veterinarian Dr. Renante Decena, sa Lopue’s Value Store sa 888 Mall nakumpiska ang 166 na lata ng Ma Ling na may bigat na 170 grams na mula sa Vietnam at China.
Maaalalang buwan ng Mayo, ipinagbawal ng FDA ang importasyon, distribusyon at pagbebenta ng processed pork meat products kabilang na ang Ma Ling na mula sa mga bansa na apektado ng African swine fever virus, kabilang na ang China, Vietnam at 14 iba pa.
Ayon kay Decena, iniiwasan ng Pilipinas na makarating dito ang ASF virus mula sa nasabing mga bansa.
Sa tuwing mabuksan ang Ma Ling na kontaminado ng ASF virus at makain ng baboy ang hinugasan nito, mahahawa sa hayop ang sakit at 100 porsyento na ito ay mamamatay.
Ang ASF virus ayon kay Decena ay mabubuhay sa loob ng ilang buwan mula nang nabuksan ang lata ng canned pork.
Ang Lopue’s sa 888 ay iilan lamang sa mga binisita ng task force sa pangunguna ni Governor Bong Lacson, kabilang ang SM at Metro ngunit walang nakumpiska sa dalawa.
Ayon kay Decena, ang FDA na ang magdedetermina kung ano ang magiging pananagutan ng value store sa pagbebenta ng ipinagbabawal na Ma Ling.