-- Advertisements --

KALIBO CITY – Binigyan na ng 15 araw na ultimatum ng Boracay Inter-agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) ang ilang mga kilala at malalaking hotel and resort sa isla ng Boracay na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ang mga ito nakapag-comply ng mga kaukulang dokumento upang makapag-operate muli ng kanilang negosyo.

Sinabi ni Dir. Natividad Bernardino, general manager ng BIARMG sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo, na mayroon silang natuklasang mga establisyimentong nag-o-operate na walang kaukulang permits and clearances at lumampas ang mga ito sa required coastal easement regulation.

Ibinunyag ng opisyal ang Steve’s Cliff/Boracay Terraces Resort; Willy’s Rock Resort; Boracay Plaza Resort; Little Prairie Inn; Watercolors Diveshop; Blue Lilly Hotel; Exclusive Dawn VIP Boracay Resort; True Home; at New Wave Divers na pawang makikita sa Station 1 area at ang Calveston International Inc. sa Station 2.

Samantala, kinumpirma ni Bernardino na ligtas nang mapaliguan ang Bolabog beach na una nang naging kontrobersiyal noong Boracay closure dahil sa natuklasang malalaking tubo na galing sa mga malalaking hotels na nagpapalabas ng dumi sa baybayin.

Pasado na umano ang water quality sa isla ng Boracay at inaasahan na ang pagbuhos ng mga turista at bakasyunista sa nalalapit na summer season.