KORONADAL CITY – Suspendido muna ang mga klase sa ilang bahagi ng North Cotabato kasunod pa rin ng nangyaring 5.6 magnitude na lindol kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mercy Foronda, ang hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management ng North Cotabato, suspendido ang klase sa mga bayan ng Makilala, Kidapawan City at Tulunan.
Ayon kay Foronda, ito ay upang bigyang-daan ang mga LGUs maglibot sa mga barangay bilang bahagi ng damage assessment.
Maliban dito, patuloy pa nilang bina-validate ang mga reports na may mga napinsalang mga bahay dulot ng naturang pagyanig.
Samantala, nananawagan rin ang opisyal na tigilan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon kaugnay sa lindol upang maiwasan ang pangamba at takot ng mga residente.
Patuloy din namang nararanasan ang manaka-nakang aftershocks.
Ang pinakamalakas ay naitala sa magnitude 4.8 dakong alas-10:12 at 11:31 ng gabi.
Una rito, ayon sa Phivolcs ang sentro ng lindol ay natukoy sa 15 kilometers ng southwest ng bayan ng Makilala.
Sinasabing tectonic ang pagyanig na may lalim na 10 kilometers.
Narito pa ang naitalang mga intensities:
Intensity V – Makilala, North Cotabato; Kidapawan City; Koronadal City; Santa Cruz, Davao Del Sur
Intensity IV – Magpet, Matalam, Kabacan and Tulunan, North Cotabato; Davao City; Polomolok, Tupi, Tampakan, and Sto. Nino, South Cotabato; Tacurong City; President Quirino, Sultan Kudarat; Glan and Malungon, Sarangani
Intensity III – General Santos City; Kiamba, Sarangani; Kalilangan and Damolog, Bukidnon; Carmen, North Cotabato; Bagumbayan, Sultan Kudarat
Intensity II – Cotabato City; Nabunturan, Compostela Valley; Valencia City; Maramag, Lantapan, Cabanglasan, Kadingilan, and Kibawe, Bukidnon; Pikit, North Cotabato
Instrumental Intensities:
Intensity V – Kidapawan City
Intensity I – Zamboanga City