Naniniwala si House Assistant Majority Leader Rep. Raul Angelo Bongalon na mahalaga ang binuong Quad Committee hearing upang matanggal ang aniya’y overlapping jurisdiction sa pagitan ng apat na komite na dating nagsasagawa ng magkakahiwalay na pagdinig ukol sa iba’t-ibang isyu katulad ng extra judicial killings (EJK), war on drugs, illegal drugs trade, at ang koneksyon ng mga ito sa Philippine offshore gaming operators (POGO).
Ang pagbuo aniya sa naturang komite ay magsisilbing instrumento upang matunton at matukoy ang katotohanan sa likod ng mga karumal-dumal na krimen na nauugnay sa mga iniimbestigahang isyu.
Mahalaga rin aniya ang pagpapatawag ng komite kina dating pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald de La Rosa.
Inihalimbawa ni Bongalon ang isang kaso na kailangan aniyang maimbitahan ang pinaka-competent na witness upang matukoy o makita ang katotohanan.
Nangyari aniya ang mga naturang isyu noong panahon na kapwa nagsisilbi sila sa bansa at sila ang tiyak na may maraming masasabi ukol dito.
Nilinaw naman ni Lanao De Sur Cong. Zia Alonto Adiong na ang mga serye ng pagdinig na gagawin sa ilalim ng quad committee ay nakasentro sa mga nauna nang lumabas na imbestigasyon kapwa ng mga komite ng Kamara at ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Wala aniyang ibang nais makita rito kungdi ang pagkaka-ugnay ng mga krimeng iniimbestigahan ng mga naturang ahensiya, batay na rin sa mga inisyal na natuklasan at pinagtatagpi-tagping impormasyon.
Ipinagdiinan naman ni La Union Cong. at House Asst Majority Leader Paolo Ortega na ang isasagawang pagsisiyasat ay pawang in aid of legislation.
Ibig sabihin aniya, makakatulong ito upang makabuo o makagawa ang mga ito ng mga panukalang batas para sa ikabubuti ng bansa.