Dismayado ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil pinagkatiwalaan umano nito ang kuwento ng isang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng iligal na droga.
Ito ang sinabi nina Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy (Isabela, 6th District) at Jude Acidre (Tingog Party-list) matapos sabihin ni Dela Rosa na naniniwala ito na totoo ang dokumento ni Jonathan Morales dahil meron itong mga marking gaya ng butas ng puncher.
Giit naman ni Acidre na marahil.kitang-kita naman ng taong bayan kung sino ang dapat paniwalaan.
Si Sen. Dela Rosa, chairman of the Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay nagtitiwala kay Morales na dating Intelligence officer ng PDEA na nagsabi na totoo ang umano’y anti-illegal drug operations report na mayroon lagda nito laban sa noon ay Sen. Bongbong Marcos at aktres na si Maricel Soriano noong 2012.
Ito ay sa kabila na rin ng pagtanggi ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo sa komite ni Dela Rosa na hindi tunay ang mga dokumento, kabilang na ang pre-operation report at authority to operate.
Iginiit pa ni Lazo na walang katotohanan ang mga alegasyon ni Morales, na pawang gawa-gawa lamang at walang batayan.
Sinabi pa ni Lazo na hindi dapat paniwalaan ang mga testimonya ni Morales na nagsinungaling nang itago nito na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP) ng pumasok ito sa PDEA.
Kinukwestyon din ng mambabatas ang pagtanggi ni Dela Rosa na tanggapin ang panig ng PDEA, at ang implikasyon nito sa integridad ng tanggapan.
Babala din ni Dy dapat na mag-ingat sa pagtanggap ng mga impormasyon na natatagpuan lamang sa social media, lalo’t nakapakadali ng gumawa ng mga pekeng dokumento gamit ang makabagong teknolohiya.
Inihalimbawa pa nito ang lumabas na deepfake video ni Pangulong Marcos na kung hindi susuriin ng mabuti ay maaaring makapanloko.
Binigyan diin naman ni Acidre na mahalaga ang mga ebidensya sa halip na paniwalaan ang sabi-sabi, lalo na’t may kumpirmasyon mula sa PDEA hinggil sa electronic records.
Ipinagtataka rin ni Acidre na madaling naniwala si Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, sa mga salaysay ng sinibak na pulis na si Morales.
Ikinadismaya rin ni Acidre, ang kasalukuyang kalagayan ng politika sa bansa, at ang kahalagahan sa pagkilala ng pagkakaiba ng mga tunay na naglilingkod para sa kaunlaran at ng may personal na interes.
Nanawagan naman ang mambabatas sa publiko na maging mapagbantay at mapanuri, kasabay na rin ng pagtukoy sa mga taong tunay na naglilingkod sa kabutihan ng bansa, sa kabila ng patuloy na ingay sa pulitika.