ILOILO CITY – Duda ang ilang mga kongresista sa totoong motibo ni dating House speaker at re-elected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa pagsiwalat na may nangyayaring vote buying upang makuha ang pagiging House speaker sa 18th Congress.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay outgoing Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron, sinabi nito na noong termino ni Alvarez, walang lumabas na isyu na may bilihan ng boto dahil malinaw na siya ang gusto ng Duterte administration na uupo bilang lider ng Kamara.
Ayon kay Biron, nagulat na lang ito na lumabas ang mga balita na may mga pinapatawag na mga kongresista at inaalok na bilhin ng milyon ang kanilang boto.
Napag-alaman na mahigpit ngayon ang labanan sa house speakership kung saan maliban kay Rep. Alvarez, nagnanais din na maluklok bilang lider ng Kamara sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Leyte Rep. Martin Romualdez , Antique Rep. Loren Legarda at Davao City Rep. Paolo Duterte.