Kumbensido ang ilang kongresista na nakapili na si Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahang House Speaker para sa 18th Congress.
Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na sa ginanap na fellowship dinner sa Malacanang kamakailan kung saan imbitado rin siya, malinaw daw na may napili nang speaker-aspirant ang punong ehekutibo.
Taliwas aniya sa pinalulutang ng ibang mga mambabatas na hindi pa nakakabuo ng desisyon ang Pangulo, klaro naman daw na nakuha na ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang suporta nito.
Hindi naman daw kasi maitatanggi na malapit si Velasco sa pamilya ni Pangulong Duterte, lalo na kay Davao City Mayor Sara.
Samantala, para naman kay Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, si Velasco na ang napili ni Pangulong Duterte kung ang batayan lamang ay ang body language nito sa dinner event na kanilang dinaluhan.
Maging si 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero ay ganito rin ang pahayag sa panayam ng Bombo Radyo.
Subalit mas mainam aniya kung hintayin na lamang ang pormal na anunsyo ng Pangulo sa darating na Hunyo 28.