CAGAYAN DE ORO CITY – Mariing pinabulaan ng ilang kongresista ng Mindanao ang alegasyon na mayroong vote buying sa napipintong pagpili ng bagong House speaker kapalit ni outgoing House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Misamis Oriental 2nd District Rep Juliette Uy na hindi totoo ang sinabi ni Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez na namimigay ng kalahati hanggang isang milyong piso na suhol ang ilan sa kaniyang katunggaling kandidato pagka-House speaker kapalit ng kanilang suporta.
Ayon kay Uy, kanilang suportahan ang kahit na sinong kongresista mula sa Mindanao na iindorso ni Presidente Rodrigo Duterte kahit na walang salapi na kanilang matanggap.
Samantala, sinabi naman ni Bukidnon 4th District Rep. Rogelio Niel Roque na walang halaga ang ipamimigay na malaking pera ng mga kumandidatong House speaker sa kadahilanan na ang iindorsong kandidato ng Presidente ay siyang susuportahan ng mayoriya ng kamara.
Dagdag pa nito na mas mahalaga ang integridad nang mapiling House speaker kung kaya’t hindi maaaring idaan sa suhulan ang pagkamit ng nasabing posisyon.