Pumalag ang ilang kongresista sa panukalang naglalayong amyendahan ang Revised Penal Code at tanggalin ang probisyon dito na naglilimita sa life imprisonment ng hanggang 40 taon.
Kinuwestiyon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa pagdinig ng House Justice Committee sa House Bill 4553, na inihain ni Chairman Vicente “Ching” Veloso, ang benepisyong makukuha ng bansa sa hakbang na ito.
Iginiit ni Brosas na tama lamang ang 40 taon bilang “rehabilitative and reformative program” para sa mga bilanggong napatawan ng life imprisonment.
Sa halip aniya na amyendahan ang probisyon ng Article 70 ng Revised Penal Code, sinabi ni Brosas na dapat mas pagtuunan ng pansin ang isyu ng korupsyon, gayundin ang “congested” na mga kulungan, at ang mabagal na justice system ng bansa.
Binigyan diin naman ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi patas kung aalisin ang probisyon ng Article 70 para lamang maresolba ang mga issue ng mga nakapag-avail naman ng Good Conduct TIme Allowance (GCTA) na sangkot sa heinous crimes.
Inihain ni Veloso ang naturang panukala kasunod nang pagkakalaya ng nasa 2,000 convicted criminals sa bisa ng GCTA Law.