Naudlot ang dapat sana’y talumpati ni Hong Kong chief executive Carrie Lam matapos paulit-ulit na kantiwayan ito ng ilang pro-democracy legislators na dumalo rin sa Legislative Council meeting ngayong araw.
Nakatakdang magbigay ng kaniyang policy address si Lam hinggil sa plano nitong solusyon sa kakulangan ng pabahay sa Hong Kong ngunit naantala ito dahil sa panggugulo ng kaniyang mga katunggali sa pulitika.
Ilan sa kanila ay kinaladkad palabas ng legislative chamber habang paulit-ulit na isinisigaw ang kanilang ninanais para sa naturang lungsod.
Kahapon nang mapilitan itong suspendihin pansamantala ang kaniyang annual policy address matapos siyang lusubin ng mga raliyista sa kaniyang opisina.
Inaakala umano ni Lam na matatanggap ng kaniyang nasasakupan ang naisip nitong solusyon sa halos apat na buwang kaguluhan sa Hong Kong ngunit inulan lamang ito nang batikos mula sa kaniyang mga kalaban at ka-alyado.
Sa halip daw kasi na pagtuunan ni Lam ng pansin ang panawagan ng mamamayan ay mas nag-focus daw ito sa ekonomiya ng lungsod.
Hindi ikinatuwa ng marami ang binitawang pangako ni Lam na dagdagan ng kaniyang administrasyon ang housing at land supply.
Hindi rin ito nagbigay ng political concessions ukol sa democracy movement at pinilit na matitigil lamang ang karahasan kung titigil din ang kampo ng mga raliyista.