CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ngayon ng Philippine Drugs Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Musim Mindanao (PDEA-BARMM) na mayroon sila tina-target na elected government officials na umano’y nasangkot sa malawakang illegal drugs operations sa Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PDEA-BARMM regional director Javelin Azurin na naghahanap lamang sila ng tamang oras at pagkakataon upang ma-raid ang hindi muna pinangalanan na mga elected gov’t official sa lugar.
Inamin ni Azurin na nahihirapan din silang mapasok ang bigtime illegal drugs operators dahil hawak nila ang armadong grupo na nagbibigay proteksyon sa mga ito laban sa anumang hakbang ng gobyerno.
Tumanggi na rin ang opisyal na banggitin pa ang mga posisyon ng narco-politicians na nasa kanyang order of battle upang hindi gaanong masunog ang kanilang isasagawang operasyon.
Ginawa nito ang pahayag kasunod nang pagkaaresto sa dalawang suspected bigtime shabu dealers kung saan unang nakumpiskahan ng higit P2 milyong kilo ng suspected shabu sa ginawa nilang joint operation ng militar at pulisya sa Marawi City noong nakaraang linggo.