-- Advertisements --

Nagdeklara ng suspension ng klase sa mga estudyante at empleyado ang ilang local government units (LGUs) sa Eastern Visayas, nitong Lunes, Marso 20, dahil sa naranasang malakas na buhos ng ulan dulot ng shear line.

Kabilang sa mga nagsuspinde ng klase ay ang Eastern Samar kung saan suspendido ang klase ng lahat ng lebel ng paaralan matapos na mag-isyu ang state weather bureau ng orange rainfall warning.

Liban nito, maging ang Biliran province, ay naglabas din ng suspensyon ng klase at trabaho sa walong municipalities nito kasama ang kanilang provincial capital.

Habang sa Leyte naman, suspendido rin ang trabaho at mga klase sa syudad ng Tacloban at mga bayan ng Albuera, Burauen, Dagami, Carigara, Tunga, Tolosa, Abuyog, at Palo.

Ilang bayan din sa Samar province, tulad ng Daram, Motiong, at Basey, ang nagpatupad ng suspensyon ng klase.

Suspendido rin ang mga klase sa bayan ng Catubig at Lope de Vega sa Northern Samar.

Samantala ilang mga lugar rin ang nakaranas ng mga pagbaha sa Eastern Samar na hindi na halos madaanan ng mga sasakyan.

Kabilang sa mga binaha ang lalawigan ng Leyte sa Barangay Mayorga, Villaba, Tanauan, at Tacloban City.

Nagkaroon din ng landslide sa Barangay Pinarigusan, San Miguel, Leyte, ngunit walang naiulat na nasugatan.

Naglabas naman ng advisory ang Philippine Coast Guard (PCG)hinggil sa pagkansela nito ng biyahe sa Northern Samar kaugnay parin sa nararanasang masamang lagay ng panahon.