Nagpaalala ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa pinaiiral na firecracker ban sa kanilang nasasakupan ilang araw bago ang pagsalubong ng Bagong taon.
Sa Muntinlupa, nagbabala ang pamahalaang lungsod sa publiko na sa ilalim ng City Ordinance No. 14-092 na ipinasa noong 2014, ipinagbabawal ang paggamit, paggawa, distribusyon at pagbebenta ng anumang paputok o pyrotechnic device sa lungsod para maprotektahan ang kapaligiran at kalusugan ng mga tao mula sa nakapipinsalang epekto ng mga paputok.
Sa mga lalabag, pagmumultahin ng P1,000 o kulong ng 1 buwan subalit hindi bababa sa 2 araw o pareho para sa unang paglabag.
Sa ikalawang paglabag naman, maaaring makulong ng hindi hihigit sa 6 na buwan o hindi bababa sa 3 buwan o multa na P3,000 o pareho.
Sa ikatlong paglabag, maaaring pamultahin ng P5,000 o kulong ng hindi hihigit sa 6 na buwan o hindi bababa sa 3 buwan.
Ipinagbabawal din ng LGU ang paggamit ng mufflers o pipes at iba pang devices na gumagawa ng malalakas na ingay sa ilalim ng City ordinance No. 04-022.
Samantala, strikto namang ipinapatupad ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang total firecracker ban ngayong holidays.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 at makukulong ng hanggang 6 na buwan.
Hinihikayat din ng city government ang publiko na sa halip na gumamit ng mga paputok ay makiisa na lang sa New Year’s Eve countdown at fireworks display sa QC Memorial Circle.