Kumbinsido ang ilang kongresista na malaki ang maiaambag ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa pamamalakad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos itong italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong gobernador nito.
Sinabi ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries chairman Henry Ong at Eastern Samar Rep. Ben Evardone, magiging sapat ang pagiging ekonomista, propesor, at beterano ni Diokno sa public service, na may ilang dekada na ring kaalaman kaugnay sa inflation management at finance
Kaugnay nito, umaasa si Ong na pagkakatiwalaan ng banking community, gayundin ng makapangyahirang Commission on Appointments (CA), ang mga karanasan na ito ni Diokno.
Ipinauubaya na raw niya kay House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at sa iba pang mga lider ng Kamara ang kumpirmasyon kay Diokno.
Samantala, umaasa naman si Evardone na sa pag-upo ni Diokno sa BSP ay lalong mapapahupa ang inflation rate para lalong yumabong ang ekonomiya ng bansa.
Sa kabilang dako, kinondena ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pagkakatalaga ni Pangulong Duterte kay Diokno.
Binibigyan lamang daw kasi ng proteksyon ng punong ehekutibo ang mga miyembro ng gabinete nito sa isyu hinggil sa public accountability dahil sa pag-recycle na ginagawa ng mga ito.
Para kay Tinio, reward kung maituturing ang ginawa ni Pangulong Duterte kay Diokno dahil ito na ang siyang magiging pinakamakapangyarihang economic position sa pamahalaan.
Ito ay kahit na ongoing pa rin daw ang pagdinig ng mababang kapulungan ng Kongreso hinggil sa natuklasang P75B insertions sa 2019 budget para paburan ang ilang kontraktor kabilang na ang kanyang kamag-anak.