Kinumpirma ng Malacañang na aasahan ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang items o probisyon ng 2021 national budget na nakatakda nitong lalagdaan sa Lunes, Disyembre 18.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM) na line veto sa ilang alokasyong nakapaloob sa General Appropriations Bill (GAB) na ipinasa ng Kongreso.
Ayon kay Sec. Roque, kasabay ng paglagda ni Pangulong Duterte sa 2021 national budget sa Lunes ang paglalabas na rin ng veto message na isusumite sa mga mambabatas.
Magugunitang kinuwestiyon ni Sen. Ping Lacson ang mga umano’y budget insertions ng ilang kongresista sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa kanilang mga distrito.
Itinanggi naman ni DPWH Sec. Mark Villar na may kinalaman o alam ng DPWH ang mga nasabing insertions.
Hindi naman kinumpirma o itinanggi ni Sec. Roque kung ang mga kinukuwestiyong budget insertions ni Sen. Lacson ang nakatakdang i-veto ni Pangulong Duterte.
Ang pagpirma ni Pangulong Duterte sa 2021 national budget ay gagawin na sa Malacañang, imbes na sa naunang abiso na sa Davao City.