DAVAO CITY – Ipinagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ang ilang sa mga ordinansa na ipinatupad sa lungsod ng Davao.
Ilan sa mga na-highlight ng Pangulo ang 911, liquor ban, Anti-Nuisance Ordinance (Karaoke Ban) at smoking ordinance na kanyang ginawang executive order mula ng maupo sa puwesto noong 2016.
Una nang inihayag ng Pangulo na may mga siyudad at munisipalidad pa rin sa bansa ang walang mga bagong kagamitan at may ilang mga lugar rin ang walang bagong mga fire truck.
Dagdag pa ng Pangulong Duterte, mula nang ipinatupad sa lungsod ang 911 emergency hotline system, lahat ng mga auxiliary services mula fire hanggang sa rescue department ay kailangan magresponde sa lahat ng tawag.
Kabilang din sa panawagan ng Pangulo sa lahat ng mga mayors, governors at iba pang mga opisyal at provincial government executives na limitahan lamang hanggang tatlong araw ang transaksiyon sa publiko.
Kung maalala noong alkalde pa lamang ng lungsod ang Pangulo, aabot lamang ng isang oras ang pagproseso sa mga dokumento.
Una na ring ipinatupad ni Pangulong Duterte ang Ease of Doing Business Act na nag-uutos na kailangan madaliin ang transaksiyon sa pagnenegosyo lalo na sa mga clearances sa mga ahensiya ng pamahalaan dahil magiging dahilan umano ng korapsiyon kung paaabutin pa ito ng ilang araw.