CAGAYAN DE ORO CITY – Natukoy na ng Philippine Army ang umano’y ilang mga lugar na inaasahang magkaroon ng intense political rivalries ng mga kandidato sa darating na 2025 midterm elections.
Ito ang pagsalaysay sa Bombo Radyo ni Philippine Army spokesperson Col Louie Dema-ala patungkol sa paghahanda ng state forces sa usaping halalan na pamamahalaan ng Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Dema-ala na bagamat ipinaubaya ng ahensiya sa Comelec ang pagsasapubliko ng mga nabanggit na lugar dahil hindi pa naman opisyal na pumasok ang bansa sa election period.
Maliban rito, wala pa silang isinagawa na troop deployment sa nabanggit na mga lugar bagkus ay mayroong units na sila na natukoy na magagamit kung sakaling sumiklab ang mainit na bangayan ng mga kandidato dahil sa politika.
Inamin ni Dema-ala na isa ang bahagi ng Mindanao na pagtutuunan ng sapat na atensyon dahil mayroong ilang armadong grupo pa ang kumikilos na maaring gamitin ng mga politiko.