-- Advertisements --

Muling naitala ng state weather bureau ang mababang temperatura sa ilang lugar sa Cordillera Administrative Region ngayong linggo.

Kasabay ng pag-iral ng hanging Amihan, halos buong linggong nakapagtala ng mas mababa sa 15°C na temperatura ang naturang ahensya sa ilang lugar sa Benguet.

Batay sa monitoring ng Agromet Station ng naturang ahensiya na nakabase sa Benguet State University kahapon, Disyembre 20, naitala sa La Trinidad ang hanggang 14.1°C na temperatura.

Sa Baguio City, naitala ang pinakamababang temperatura nito kahapon sa 14.4°C.

Nananatili naman ang Tuba, Benguet bilang may pinakamalamig na temperatura sa kasagagan ng pag-iral ng Amihan kung saan umabot sa 12.7°C ang lamig sa lugar.

Inaasahan namang lalo pang bababa ang temperatura sa mga nabanggit na lugar habang lalo pang lumalakas ang epekto ng Amihan.

Maaaring papalo sa 10°C ang pinakamababang temperatura sa kasagsagan ng pag-iral ng weather system, batay pa rin sa pagtaya ng weather agency.

Batay sa record, nasa 6.3°C ang pinakamababang temperaturang naranasan sa mga kabundukan ng Cordillera sa kasagsagan ng Amihan season.