-- Advertisements --

Habang lumilipas ang mga araw ay mas lalong naghihingalo ang kalagayan ng India kasabay nang pagharap nito sa ikalawang wave ng coronavirus disease infection.

Ilang lugar kasi sa India ang nauubusan na ng COVID-19 vaccine, habang ang mga ospital at mga morgue sa bansa ay puno na rin ng mga pamilyang nakapila at naghihintay na ma-cremate ang kanilang mga mahal sa buhay na nasawi.

Sa isang parking lot, mahigit 10 ambulansya ang may lulan na bangkay habang kinikolekta ng mga manggagawa ang mga abo mula sa na-cremate sa main cremation area.

Pangalawa lang ang India sa Estados Unidos na may pinakamataas na kaso ng deadly virus, nakapagtala ang nasabing bansa ng 300,000 bagong kaso ng COVID-19 sa loob lang ng siyam na araw.

Mahigit 200,000 indibidwal na rin ang namatay dahil sa nasabing sakit at halos 19 milyon na ang kabuuang kaso ng nakamamatay na virus sa India.

Ayon sa ilang medical experts, posibleng mas mataas pa ng 10 beses ang tunay na bilang ng COVID cases kumpara sa official tally.

Tuloy-tuloy din ang pagmamaka-awa ng mga pasyente upang ma-admit sila sa ospital at makabitan ng oxygen tanks nang sa gayon ay mabigyan sila ng pagkakataong mabuhay.

Tanging 9% lang ng 1.4 billion population ng India ang nabakunahan laban sa nakamamatay na virus.

Samantala, nakatakdang magpatupad ang Biden administration ng travel ban sa lahat ng non-U.S. citizens o permanent residents na manggagaling mula sa India.

Ito ay bilang pagkontrol na rin ng Estados Unidos sa lalo pang lumalalang kaso ng deadly virus sa buong mundo.

Sisimulang ipatupad ang natuirang patakaran sa Mayo 4, araw ng Martes.

Inilagay na kasi ng State Department ang India sa Level 4 o Do Not Travel advisory, na siyang naga-update sa scores ng travel advisories kaugnay ng nagpapatuloy na pagkalat ng nakamamatay na virus.

Hindi naman sakop ng patakaran na ito ang mga U.S. citizens, subalit may ilang exemptions pa rin naman na ipatutupad ang Amerika.