KORONADAL CITY – Para umanong ghost town ang ilang mga lugar ngayon sa bansa India lalo na at patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa double mutant virus na mabilis makahawa lalo na sa mga hindi sumusunod sa mga health protocols.
Ito ang ibinahagi sa Bombo Radyo Koronadal ni Bombo International Correspondent Aiza Malik na nakapag-asawa ng Indiano at doon na naninirahan ngunit tubong lungsod ng Koronadal.
Ayon kay Malik, ang dating crowded na mga lugar sa New Delhi at punong-puno ng mga tawo na nagkakasayahan ay wala na umanong pumupuntang tao dahil na rin sa mahigpit na pagbabantay ng mga otoridad at ipinapatupad na curfew.
Ngunit aasahan umano ang pagtaas pa ng kaso ng COVID-19 dahil na rin sa libo-libong dumalo sa isinagawang religious festival kung saan nagsimula ang second wave at na-detect ang double mutant na virus.
Sa ngayon hindi lamang ang mga tangke ng oxygen at mga hospital beds ang kinukulang kundi maging ang pagkain dahil ang ibang mga palengke ay hindi na nagbubukas sa takot na mahawa.
Makikita rin ang patuloy na mass cremation sa ilang mga lugar ng mga nahawaan ng sakit na hindi man lang nagamot sa ospital.