Nababalot ngayon ang ilang lugar sa tinaguriang entertainment capital of the world na LA sa California USA ng makulay na red at pink powder sa gitna ng malawakang wildfire.
Ito ay isang fire retardant na ginagamit ngayon ng mga firefighters sa pag-apula sa wildfires.
Sa kumakalat kasi ngayon na videos at mga larawan online, agaw pansin ang kulay pula at kulay-rosas na powder na inihuhulog sa mga sumiklab na wildfires.
Ayon sa mga opisyal libu-libong gallons ng naturang substance ang isinaboy noong nakaraang linggo para mapigilang kumalat ang apoy.
Ang naturang fire retardant ay isang produkto na tinatawag na Phos-Chek na ibinibenta ng kompaniyang tinatawag na Perimeter.
Ginagamit na ito sa pag-apula ng mga sunog sa Amerika simula pa noong taong 1963 at pangunahing long-term fire retardant na ginagamit ng California Department of Forestry and Fire Protection.
Ito rin ang karaniwang ginagamit na fire retardant sa buong mundo base sa report ng French international news agency (AFP).
Base sa kompaniyang nasa likod ng paggawa ng naturang fire retardant, 80% ng nasabing produkto ay tubig, 14% ay fertiliser-type salts, 6% ay binubuo ng colouring agents at corrosion inhibitors.
Naging kontrobersiyal din ang paggamit nito sa mga nakalipas na pagkakataon dahil sa mga posibleng negatibong epekto nito sa kapaligiran, dahilan kayat mandatoryong ipinagbawal ng Forest Service ang paggamit ng fire retardant sa mga sensitibong lugar subalit may exception dito lalo na kapag ang buhay ng tao o kaligtasan ng publiko ay nalalagay na sa panganib gaya ng banta ng malawakang wildfires.