Binabantayan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)Central Luzon ang ilang mga lugar na nasa labas na ng Manila Bay dahil sa ilang mga report na natanggap ng ahensiya ukol sa epekto ng tumagas na langis.
Sinabi sa Bombo Radyo Philippines ni BFAR Central Luzon Director Wilfredo Cruz, na ipinag-utos na niya ang pagbabantay sa mga coastal areas ng Morong at Bagac na kapwa mga bayan ng Bataan dahil sa umabot sa kanyang tanggapan na umano’y epekto ng oil spill.
Ayon sa director, posibleng natangay ang tumagas na langis dahil sa daluyong at malalakas na hangin at napadpad sa dalawang nabanggit na bayan na nasa labas na ng Manila Bay.
Maliban sa dalawa, ipinag-utos na rin ng director ang deployment ng mga BFAR personnel sa Subic, Zambales upang mag-monitor sa mga nahuhuling isda roon.
Magsasagawa ang mga field personnel ng sensory evaluation sa mga naturang lugar upang alamin kung apektado ng tumagas na langis ang mga nahuhuling isda.
Paglilinaw ng director, natanggap lamang kagabi (Aug 2) ang naturang report at kaninang umaga ay agad nang nagtungo roon ang mga kawani ng BFAR upang magsagawa ng assessment sa mga nahuhuling isda.
Tiniyak naman ng Director na sa kabila ng pagbabantay sa mga nauna nang lugar na nakitaan ng epekto ng tumagas na langis ay mayroon pa ring sapat na mga personnel na magmomonitor sa mga bagong lugar na makikitaan ng banta.
Patuloy namang umaapela ang opisyal sa mga mangingisda na agahan ang pag-report sa mga namomonitor na epekto ng tumagas na langis upang kaagad makagawa ng aksyon ang pamahalaan.
Mahalaga aniyang matutukan kaagad ng mga eksperto ang pinsalang dulot ng oil spill upang makagawa ang gobiyerno ng akmang tugon ukol dito.