-- Advertisements --
image 390

Sarado sa mga motorista ang Dimasalang Road corner Maceda Street at Lacson Avenue sa Maynila sa ilang partikular na oras mula Pebrero 16 hanggang Marso 2, 2023.

Ang nasabing lugar ay sarado sa trapiko mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

Ang pansamantalang pagsasara ng kalsada ay ipinatupad para bigyang-daan ang pagkakabit ng steel box para sa North Luzon Expressway- South Luzon Expressway Connector Road Project Section 1 ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Sa panahong ito, aalisin ng private contractors ang safety net at mga bracket mula sa Pier 116 hanggang Pier 117.

Dagdag dito, mananatiling bukas sa mga motorista ang mga katabing kalsada gaya ng Basilio at Instruccion Streets hanggang Blumentritt.

Kaugnay niyan, ang nasabing connector road ay isang public-private partnership project ng gobyerno at ng Metro Pacific Tollways Corp. na nag-uugnay sa North at South Luzon Expressways.

Nagsisimula ito sa C3 Road sa Caloocan City at dadaan sa Maynila, tumatawid sa España Boulevard patungo sa Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa at nagdudugtong sa Metro Manila Skyway Stage 3.