Namamaho na ang buong Barangay Bangolo sa Marawi Cty dahil sa nagkalat na mga nabubulok na bangkay.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla kung saan ang amoy ay posibleng galing sa mga napatay na terrorista at sibilyan noon pang unang lusubin ng Maute Group ang siyudad ng Marawi.
“Totoo po yun kaya nga po dun sa aking binanggit isa po yan sa mga pakay na dapat pagtuunan ng pansin ng ating mga tropa upang magbigay daan dun sa recovery ng mga naiiwang cadaver”, wika ni Padilla.
Ayon pa kay Padilla, isa sa mga prayoridad ng military sa ngayon ay ang pagrekober sa mga bangkay para na rin makilala ang mga Ito.
Gayunman, ang Barangay Bangolo na lamang ang tanging lugar na sisikaping i-clear ng AFP upang tuluyan nang matapos ang kaguluhan.
Bukod dito, sinabi ni Padilla na may mga nadiskubreng tunnels ang AFP sa ilalim ng mga bahay na ginagamit ng mga terorista na makalipat-lipat ng lugar at makalusot sa mga nakapalibot na sundalo.