-- Advertisements --

Ibinabala ng state weather bureau na posibleng makaranas ng malawakang baha at landslide ang ilang lugar sa Northern Luzon lalo na sa mabababang lugar malapit sa mga ilog habang papalapit sa kalupaan ang bagyong Nika.

Sa abiso mula sa ahensiya nitong Linggo, posibleng makaranas ang Cagayan, Isabela, Apayao, at Aurora ng intense to torrential rains na may 1 buwang katumbas ng pag-ulan mula ngayong araw ng Lunes hanggang bukas na maaaring magdulot ng malawakan at malalang baha at landslide.

Maaari ding makaranas ng mga pagbaha ang Kalinga, Mountain Province, Quirino, Nueva Vizcaya, Ifugao, at Abra hanggang bukas.

Gayundin, posibleng magsimulang maranasan ang baha ngayong Lunes hanggang bukas sa Tarlac, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Nueva Ecija, Benguet, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Posible namang makaranas ng heavy to intense na mga pag-ulan hanggang sa araw ng Miyerkules ang Kalinga, Apayao, Abra, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Maaari ding tumama ang localized flooding sa Aurora, Quezon, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, at Northern Samar hanggang ngayong Lunes.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko at mga lokal na opisyal na maghanda sa posibleng nakamamatay na landslide, baha at iba pang panganib dulot ng bagyong Nika.