-- Advertisements --

Binigyang diin ng grupong Manibela na hindi na sumasapat ang mga bumabyaheng jeepney dahil sa mandatory consolidation program ng gobyerno.

Batay umano sa report ng kanilang mga kasamahan, naitala ang kulang na mga byahe sa Manila, Quezon City, Parañaque, Pasig at Muntinlupa.

Habang sa labas ng Metro Manila ay may ganito ring scenario, partikular sa Dasmariñas, Cavite at mga karatig na lugar.

Giit ng grupo, walang gustong pumasada sa ilang area dahil sa ipina-iral na deadline sa consolidation.

Habang may mga lugar naman na sadyang walang consolidated drivers at operators, dahil sa kawalan ng mga ito ng kakayahang bumuo ng kooperatiba at korporasyon.

Samantala, itinuloy naman ng Manibela ang kanilang protesta sa ilang lugar, kasabay ng panawagan na tugunan sana ng gobyerno ang tunay na suliranin ng mga drivers at operators at hindi ang pamimilit na sila ay sumailalim sa consolidation program.

Sa panig ng pamahalaan, nanindigan ang LTFRB na wala nang mababago sa kanilang paghihigpit, lalo’t ilang ulit nang iniurong ang deadline.