CENTRAL MINDANAO – Nagpulong na ang mga miyembro ng inter-agency ng gobyerno sa pangunguna ni Cotabato acting Governor Emmylou ”Lala” Mendoza lalo na para sa mga lugar na grabeng sinalanta ng lindol.
Ayon kay Jeffrey Perez, supervising science research specialist ng Phivolcs na dapat ipatupad kaagad ang force evacuation o lisanin ang mga lugar na landslide prone area sa probinsya ng Cotabato at hindi na dapat patirhan
Sinasabing ang mga lugar na hindi na dapat lisanin at hindi na maaring tirhan ay ang mga sumusunod: sa bayan ng Makilala, Cotabato ay kinabibilangan ng Brgy Bato, Buhay, Cabilao, Luayon, Sto Nino (purok 1 and 2) Malabuan (purok 6), Malungon (purok 2 and 7) at Purok Malaang.
Sa bayan ng Tulunan ay Barangay Daig at bahagi ng Barangay Bacong.
Sa bayan ng M’lang ay Brgy New Esperanza (Biao) habang sa Sitio Agco, Barangay Ilomavis sa Kidapawan City.
Mungkahi ng inter-agency na ilipat sa mga ligtas na lugar ang mga residente sa mga nabanggit na mga barangay.
Nilinaw ng Phivolcs na hindi na maaring tumira sa mga naturang lugar dahil landslide prone area ang lugar.
Gumuho na rin ang kabundukan na sakop ng bayan ng Makilala lalo na sa paanan ng Mount Apo dahil sa epekto ng lindol at dulot nang malakas na buhos ng ulan.
Ang paglipat sa mga residente sa landslide prone area ay pinaburan naman ni Gov Mendoza para sa kanilang kaligtasan.
Tapos na ring hinakot ng dalawang choppers ng Philippine Air Force (PAF) ang mga pamilyang naipit sa landside sa Sitio Kapatagan, Brgy Luayon sa Makilala, Cotabato at dinala sa mga ligtas na lugar.