-- Advertisements --

Posibleng isailalim na umano ang ilang mga lugar sa Pilipinas sa “new normal” o wala nang pinaiiral na coronavirus lockdown ngunit may ipinatutupad pa ring minimum health standards pagsapit ng buwan ng Hulyo.

Ang new normal ay ang phase matapos alisin na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang isang lugar.

Sa isang panayam, sinabi ni Interior Sec. Eduardo Año, ngayong buwan ng Hunyo ay wala pa ring lugar ang handa para sa bagong normal bunsod ng malaking bilang pa rin ng mga “fresh cases” ng mga kaso ng COVID-19 ang naitatala.

“So, ang tinitingnan natin, sa July pa talaga magkakaroon ng new normal na ga-graduate sa MGCQ,” wika ni Año.

Hindi naman tinukoy ng kalihim ang mga lugar na posibleng isailalim sa new normal.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa mga lugar na ilalagay na sa new normal, papairailin pa rin ang minimum health standards hangga’t wala pang nabubuong bakuna laban sa COVID-19.

“New normal ay tumutukoy sa bagong mga ugali, mga sitwasyon at minimum public health standards na dapat makasanayan habang wala pang malawakang pagbabakuna na magpapahinto sa COVID-19,” ani Roque.

Inihayag na rin noon ni Año na posibleng manatili sa general community quarantine ang Metro Manila pagkatapos ng Hunyo 15.

Mino-monitor din aniya ng gobyerno ang sitwasyon sa Region 1, 2, 4-a, at sa Cebu City kung saan nakapagtala ng paglobo ng mga COVID-19 cases nitong mga nakalipas na araw.