-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naitala ang mga pagbaha at landslide sa ilang mga lugar sa Socsksargen dahil sa sunod-sunod na pagbuhos ng ulan dulot ng Low Pressure Area (LPA) at ITCZ.

Ito ang inihayag ni Ms. Joremae Balmediano, information officer ng OCD-12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Balmediano, isa sa mga lugar na naging apektado ng pagbaha ay ang mga bayan ng Malapatan at Alabel sa Saranggani province, General Santos City at bayan ng Sto. Nino sa South Cotabato.

Naitala rin ang landslide sa ilang lugar sa Saranggani habang lubos na apektado ng kalamidad ang mga pananim ng mga magsasaka, kabahayan at ilang mga imprastruktura gaya ng tulay at iba pa.

Agad naman umanong nagbigay ng tulong ang bawat LGU sa mga apektadong pamilya sa kani-kanilang mga lugar.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang damage assessment sa pinsalang iniwan ng kalamidad.

Samantala, patuloy naman ang panawagan ng OCD-12 sa mga mamamayan na manatiling vigilante at mag-ingat lalo na sa mga itinuturing na flash flood at landslide prone areas.