TUGUEGARAO CITY- Umabot sa 29 na households na binubuo ng 65 indibidual ang binaha matapos ang flashflood kahapon sa Lower Purok Dos, New Tanglag, Tabuk City, Kalinga bunsod ng malakas na ulan na tumagal ng ilang oras.
Sinabi ni Julie Ann Teckney, Office in Charge ng City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO na tinangay din ng malakas na agos ng tubig ang ilang alagang hayop tulad ng mga baboy ng ilang residente.
Ayon kay Teckney, nagsasagawa na ng paglilinis sa nasabing lugar dahil sa iniwang makapal na putik ng flashflood.
Nailigtas naman ang limang katao humingi ng tulong sa Purok Dos, San Juan matapos na hindi makatawid papunta sa kanilang mga bahay matapos na biglang umapaw ang irrigation canals at mga batis.
Sa Barangay Bantay naman ay nagkaroon ng landslide sa may bahagi ng kalsada sa damsite.
Sinabi ni Teckney na nagsasagawa na ng clearing operation ang mga kawani ng DPWH.