-- Advertisements --

Ilang magsasaka na apektado ng pagbaha sa Pikit Cotabato binigyan ng alagang kambing ng BARMM

CENTRAL MINDANAO-Nakatanggap ng mga alagang kambing mula sa pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang ilan sa mga magsasakang naapektuhan ng baha sa Brgy. Buliok, Pikit, Cotabato.

Abot sa 155 na alagang kambing ang ipinamahagi ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng BARMM sa mga benepisyaryong magsasaka.

Maliban sa nabanggit na lugar, kabilang din sa nakabenepisyo nito ang mga magsasaka mula sa Brgy. Bente-uno, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon sa MAFAR, layunin ng pamamahagi na matulungan ang mga magsasaka na makabangon mula sa naranasang kalamidad bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone na nakaapekto sa isang libong ektarya ng lupang pang-agrikultura.

Sinabi ni MAFAR Senior Agriculturist Seeham Pangol na ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Disaster Risk Reduction Management ng ministry.

Aniya, magsasagawa rin ng close monitoring procedure ang ministry upang masiguro ang pagpapanatili ng programa.