Napipilitan ang ilang mga magsasaka na magbenta na lang din ng kanilang mga lupang ginagamit sa pagsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga pangunahing produkto.
Ganito na ang sitwasyon sa ngayon ng mga magsasaka sa bansa, ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.
Sinabi ni Estavillo na dapat paunlarin ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura dahil sa harap nang pagsirit ng presyo ng mag bilihin at langis ay nananatili pa rin sa P12 hanggang P16 ang halaga ng palay.
Hindi aniya ito nakakasabay sa pagmahal ng presyuhan, kahit pa pagdating sa mga pamilihan ay pumapalo naman ng hanggang P38 ang presyo ng kada kilo ng pinakamurang bigas.
Hindi aniya kasama rito ang presyo ng NFA Rice gayong hindi naman ito aniya makikita sa mga palengke.
Mababatid na ang Department of Budget and Management (DBM) ay naglabas ng P500 million para sa Department of Agriculture (DA) na ibibigay naman sa mga magsasaka na apektado rin nang pagtaas ng presyo ng langis.