TUGUEGARAO CITY – Binabalak na umano ng ilang magsasaka sa Tabuk, Kalinga na gawing gulayan o pastulan na lang ang kanilang palayan.
Sinabi ni Onorio Clemencia, 2018 Gawad Saka Awardee for Outstanding Rice Adopting Rice Based Integrated System na balak na niyang magtanim ng mga high value crops sa halip na palay dahil malaking lugi dahil sa mababang bilihan ng kanilang palay dahil umano sa Rice Tarrification Law.
Ayon naman kay Jerome Estino, pangulo ng Luzons Most Outstanding Small Water Impounding System na plano niyang gawing pastulan na lang ang kanyang palayan.
Sinabi niya na bukod sa mababang presyo ng palay, hirap pa silang makahanap ng buyer dahil sa maraming imported rice.
Ayon sa kanya, sa kanyang huling ani, wala umanong bumili ng kanyang palay kaya ipinagiling niya ito ay ibinentang bigas sa isang restaurant owner sa Tinglayan.
Dinala din umano ang kanyang palay sa Isabela subalit P7 ang bilihan ng mga traders ng sariwa.
Sinabi ng mga ito na umaasa sila sa National Food Authority na bibili sa kanilang palay subalit kulang umano ang buying capacity ng ahensiya at hindi rin sila bumibili ng sariwang palay bukod pa sa kailangan na maganda ang klase ng ibebenta sa National Food Authority (NFA).
Dahil dito, sinabi nila na kailangan ang tulong ng pamahalaan upang matugunan ang problema ngayon ng mga magsasaka upang hindi tuluyang mawalan ng gana sa pagsasaka.