KALIBO, Aklan — Sa ikalawang sunud-sunod na taon dahil sa Covid-19 pandemic, kanselado pa rin ang ilang mga malalaking aktibidad na nakasanayan tuwing Ati-Atihan festival sa darating na Enero 2022.
Ayon kay Kalibo Mayor Emeson Lachica, hindi muna magsasagawa ng tradisyunal na sadsad o merry making sa kalsada upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng deadly virus lalo pa at nakapasok na aniya sa bansa ang Omicron variant.
Hindi aniya maiwasang dumugin ng maraming tao ang event lalo na ang mga deboto ni Señor Sto. Niño de Kalibo.
Subalit, ipinasiguro ng Ati-Atihan organizers na magkakaroon pa rin sila ng mga aktibidad upang maramdaman ang diwa ng festival na nakatakda sa Enero 10 hanggang 16, 2022.
Ito ay kinabibilangan ng Inter-Barangay Mosaic contest, Bendisyon photo contest, Color My Ati 2022, Pinta Ati o Ati-Atihan themed painting contest, Suksok ni Sto. Niño costume design contest at Miss Kalibo Ati-Atihan beauty pageant.
Nabatid na hindi rin itinuloy ngayong taon ng iba’t-ibang bayan sa Aklan ang kanilang selebrasyon na may may sariling bersyon ng Ati-Atihan festival kagaya ng Ibajay, Makato, Batan, Lezo, Malinao, Kalibo at isla ng Boracay.