LEGAZPI CITY – Bukas ang ilang malalaking malls sa Bicol na makilahok sa ipinapanukalang isang buwang sale sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Aminado ang ilang local authorities na hindi lamang sa social aspect may epekto ang virus, kundi maging sa ekonomiya at turismo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Tourism (DOT) Bicol Regional Director Benjamin Santiago, may mangilan-ngilan na ring lumapit upang makiisa sa plano habang imbitado ang iba pa na makilahok.
Una nang nabatid na pasisimulan ang month-long sale sa Marso 1 hanggang 31 subalit hihintayin pa umano ang iba pang mechanics at guidelines.
Isinusulong ang hakbang kasunod ng ibinabang joint statement ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health at DOT na maari nang ituloy ang ilang biyahe, aktibidad at pagtitipon, bahagi ng pagpapalakas sa domestic tourism.