Hinimok ng ilang mga mambabatas si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara na ng state of economic emergency bilang bahagi ng tungkulin nito na tugunan ang nagbabadyang krisis sa gasolina ngayon.
Ayon kay House ways and means committee chairman Albay Rep. Joey Salceda, sa pagdedeklara kasi aniya ng economic emergency ay pahihintulutan ang mga local government units na galawin ang kanilang calamit funds upang matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Sinabi rin ng opisyal na bukod sa kanya ay nagkasundo rin ang iba pang mga mambabatas na hilingin sa pangulo na magpatawag ng special session ng Kongreso upang talakayin ang mga usapin ukol dito.
Kabilang sa mga batas na tatalakayin sa iminungkahing special session ay ang panukalang batas na naglalayong suspindehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon pa kay Salceda, sa darating na Marso 15 ay dapat nang magpatawag ng special session ang pangulo kung ang presyo ng langis ay mahigit $100 pa rin sa kada bariles.