-- Advertisements --

Hinimok ng Makabayan bloc lawmakers ang Philippine National Police (PNP) na palayain ang 6 na aktibistang inaresto sa Labor day rally malapit sa US Embassy sa Maynila.

Kinuwestyon din ng mga ito ang mga awtoridad na hindi umano nagpairal ng maximum tolerance sa pag-disperse sa mga nagpoprotesta kung saan gumamit pa ang mga ito ng water cannon.

Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na nakita ang law enforcers na nagdedeploy ng water cannon sa pagtatangkang ma-disperse ang mga nagrarally pagkatapos ay iligal na inaresto ng mga pulis mula sa Manila Police District ang 6 na aktibista na nasugatan sa insidente.

Saad pa ng mambabatas na hindi makatarungan ang bayolenteng dispersal ng mga awtoridad dahil wala naman aniyang mali sa panawagan ng mga protester para sa taas sahod.

Ibinahagi pa ni Cong. Manuel na personal niyang binisita ang mga protester na nakakulong sa Manila Police District at nakita niya ang tinamong galos sa kanilang mga katawan dahil sa insidente.

Kinondena din ni House Deputy Minority Leader France Castro ang insidente at ikinumpara ang pangyayari sa pang-water cannon ng China Coast Guard laban sa mga barko ng PH sa West Philippine Sea.

Aniya, habang binobomba ng CCG ang ating mga barko, binobomba naman ng PNP ang mga raliyist, aktibista at mamamayan na sumasali sa mga lehitimong panawagan para sa sahod.

Matatandaan, kasabay ng Labor day kahapon, nagkasa ng protesta ang mga transport at labor groups na nananawagan para sa national wage hike na isa ng taunang pinapanawagan ng mga ito tuwing ginugunita ang May 1.

Nangyari naman ang bayolenteng pag-disperse ng kapulisan sa mga protester kasama ang mga kabataang aktibista matapos subukang harangin ng mga ito ang crowd para mapigilan silang magmartsa sa may Kalaw avenue patungo sa US Embassy.