Kinuwestyon ng ilang mambabatas ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng absolute pardon ang convicted criminal na si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Sa isang pahayag na isinapubliko ni Albay Congressman Edcel Lagman, sinabi nito na kahit pa raw may constitutional power ang presidente na magbigay ng pardon sa isang preso ay hindi dapat ito maging arbitrary.
Dagdag pa ng kongresista, kaya rin daw binuo ang Board of Pardons and Parole ay upang iwasan na maabuso ang kapangyarihan ng pangulo sa pagbibigay ng pardon. Tila hindi rin aniya inirekomenda ng naturang board ang presidential pardon para kay Pemberton.
Ayon pa rito inaayos na ng Department of Justice (DOJ) ang paghahain ng motion for reconsideration (MR) sa Olongapo City Regional Trial Court upang i-rekonsidera ang maagang pagpapalaya kay Pemberton sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) rule.
Sana raw ay isinaisip ni Duterte ang sentimento ng naiwang pamilya ng transgender woman na si Jeffrey “Jennifer” Laude bago bigyan ng pardon si Pemberton.
Hindi rin nagpahuli si Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago na kondenahin ang ginawa ng pangulo. Aniya isa itong sampal para sa soberanya ng Pilipinas.
Maituturing din itong kataksilan sa panig ng biktima pati na rin sa mahabang panahon na pakikipaglaban ng naiwan nitong pamilya para makuha ang hustisya na matagal na nilang inaasam.