Kinukuwestiyon ng ilang mambabatas ang tila minadaling pag-apruba ng kasamahan nilang mambabatas sa House of Representatives sa prangkisa ng Maynilad Water Services at Manila Water Companies.
Hinala kasi nila na minadali ito at hindi na gaanong dumaan sa matinding pagsala.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na tila naging “rubber stamp” ang ilang mambabatas sa pag-apruba ng nasabing prankisa.
Inaalala pa nito na noong deliberasyon pa lamang ito sa House committee on legislative franchises ay magkakaroon muna ng debate sa plenaryo subalit nagtaka ito noong Hunyo 1 na ito ay agad na ipinasa.
Hindi na aniya pinayagan magtanong sa nilalaman ng binagong Concession Agreement na pinasok ng gobyerno sa dalawang korporasyon.
Wala rin aniyang konsultasyon na isinagawa sa mga konsyumer bago ito aprubahan.
Ipinaalala naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na noong 2019 nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na pag-aralang mabuti ang kasunduan sa dalawang kompaniya dahil naglalaman ito ng mga mabibigat na termino na hindi panig sa gobyerno.
Magugunitang inaprubahan sa final reading ang House Bill 9422 at 9433 na nagbibigay ng 25-taon na prangkisa sa Maynilad Water Services at Manila Water.
Nakakuha ito ng 206 na boto na pumabor sa nasabing panukala habang mayroong pito ang komontra at walang nag-abstain.