-- Advertisements --

Ipinahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na malaya ang ilang mga mambabatas na makipagdayalogo kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para hilingin na muling pag-isipan ang desisyon nito patungkol sa hindi na muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Sa pagharap ni Remulla sa isang press conference, sinabi niya na wala siyang nakikitang masama sa plano ng ilang senador na makipagtalakayan sa pangulo hinggil sa nasabing usapin dahil ito raw ay parte ng demokrasya.

Aniya, ang pakikipag-usap ng lehislatibo sa ehekutibo ay bahagi ng pagtutulungang kinakailangan sa pamahalaan upang mas maisulong pa ang pag-abante ng bansa.

Ngunit binigyang-diin din ng kalihim na bagama’t nananatiling bukas ang kanilang pintuan patungkol sa nasabing isyu ay tanging ang punong ehekutibo lamang ang makakapagdesisyon ukol dito.

Samantala, sa kabilang banda naman ay iginiit ni Remulla na ang desisyon ni President Marcos Jr. na hindi na muling sumali pa sa ICC ay hindi nangangahulugan na pinagkakaitan ng pamahalaan ng kaukulang hustisya ang taumbayan.

Paliwanag ng kalihim, hindi ibig sabihin nito ay hindi na maayos ang judicial system sa Pilipinas dahil napakarami aniyang umiiral na sangay ng pamahalaan ang maaaring tumugon sa mga suliranin ng ating mamamayan.

Matatandaan na una nang nakipagpulong si President Bongbong Marcos kay Justice Secretary Remulla kasama ang iba pang miyembro ng kaniyang legal team upang talakayin ang isyu sa ICC kung saan napagdesisyunan nito na hindi na muling maging miyembro pa ng naturang rome statute.