Magkakahalong reaksyon ng mga mambabatas na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa korapsyon.
Sa kanilang social media accounts idinaan nina dating Ifugao Rep. Teodoro “Teddy” Baguilat Jr at Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman ang kanilang pagkagulat.
Sinabi ni Baguilat na kung sangkot siya sa korapsyon ay hindi na ito magbebenta ng mga produkto ng kaniyang bayan.
Ayon naman kay Roman, hindi niya pinagkakakitaan ang panunungkulan sa gobyerno.
Naniniwala naman si Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza, na kagagawan umano ito ng kaniyang kalaban sa pulitika.
Ayon sa kanya, wala umanong basehan ang naging ulat ng ipinasa sa Pangulo.
Naniniwala naman si Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato na politically-motivated ang pagdawit sa kaniyang pangalan dahil kapartido ng kaniyang kalaban sa pulitika ang pinuno ng investigating body na si PACC Commissioner Greco Belgica.
Tiwala naman si Quezon City 5th Dist. Rep. Alfred Vargas na ang kaniyang pangalan ay malilinisan dahil maaaring nakatanggap ng maling impormasyon ang PACC.
Magugunitang kasama ng mga pangalan ng mambabatas ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumatanggap daw ng patong o kaya “kotong” bilang porsyento sa kita sa mga proyekto ng gobyerno.