Binigyang-diin ni Deputy Majority Leader Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, sa plenary session na makapaghihintay ang jeepney modernization program kung isasaalang-alang na marami pa ring problemang dapat ayusin para sa pagpapatupad nito.
Sumang-ayon si Ejercito sa panawagan ni Sen Grace Poe, chairperson ng Committee on Public Services, na ipagpaliban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang plano nitong i-phase out ang mga tradisyunal na jeepney sa Pilipinas sa Hunyo 30.
Sinabi pa ni Ejercito na ito ay hindi ang tamang panahon para madaliin ang programang modernisasyon.
Aniya, malayo pa bago maisakatuparan ang jeepney modernization program kung saan binanggit nito ang patuloy na konstruksyon ng North-South Commuter Railway line, iba pang mga railway projects at ang pagpapahinto ng Philippine National Railways operations para bigyan daan tungo sa modern railway.
Nanawagan naman si Sen. Francis “Chiz” Escudero para sa malalim na pagdinig ng Senado sa jeepney modernization program ng gobyerno at ang napipintong phase-out ng iconic traditional jeepneys sa Hunyo.
Ikinalungkot ni Escudero ang problemang implementasyon ng jeepney modernization program, lalo na pagdating sa pagpopondo sa mga bagong jeepney units, pag-secure ng route rationalization plan, at pag-aatas sa mga driver na sumali o bumuo ng isang kooperatiba.
Maaari raw ba aniya hilingin ng mambabatas na talakayang ito, bukod pa sa pag-apruba o pagpapatibay sa resolusyong inihain ni Sen. Grace Poe, na i-refer sa Committee on Public Services.
Sa palagay ng mambabatas, ay nangangailangan nang malalim na pagdinig sa usaping ito para marinig ang lahat ng panig.
Pinagtibay ang Senate Resolution 507 na nagpapahayag ng sense of the senate o sentimiyento ng senado na umaapela sa LTFRB na huwag munang ipatupad ang phase out.
Ito ay habang hindi pa nareresolba ang mga hinaing ng mga apektadong driver at operator ng mga traditional jeep sa public utility vehicle (PUV) modernization program.
Iginiit naman ni senate committee on public services chairperson Grace Poe na hindi dapat pilitin ang mga public utility vehicle (PUV) operator na sumunod hangga’t hindi natutugunan ang mga reklamo ng sektor partikular na ang mataas na kapital sa pagbili ng mga modern jeep.
Dagdag ng senadora nasa P2.8 million ang halaga ng mga modern jeep na hindi kaya ng mga jeepney driver na kumikita lang ng halos P755 kada araw sa pamamasada.
Sinabi naman ng Department of Transportation (DoTr) na handa nilang tulungan ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na maaapektuhan ng PUV modernization program sa pamamagitan ng upskilling sa kanila.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mayroong ilang mga programa na nakatuon sa pagtuturo sa mga tsuper sa ilalim ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA).
Halimbawa naman ni Bautista na kapag hindi aniya makapag-comply sa modernization program ng ahensya, at mawalan sila ng trabaho, nakikipag-ugnayan ang DoTr para aniya bigyan ng training ang mga tsuper.
Saad pa ni Bautista na ipagpapatuloy nila aniya ang kanilang training at livelihood programs para sa mga driver.
Sinabi ng opisyal na marami nang mga driver ang nakasunod sa mga requirements para sa modernisasyon, lalo na sa Cebu at Metro Manila, ngunit may ilang mga lugar na hindi pa nagsisimula sa kanilang mga requirements.
Ilan sa kanilang mga alalahanin aniya ay kinabibilangan ng kahirapan sa pag-access ng mga dokumento para sa modernisasyon.