-- Advertisements --

Walang nakikitang problema ang ilang mga kongresista sa mga panawagan na magkaroon ng reporma sa party-list system sa harap ng mga alegasyon na ito ay ginagamit lamang ng mga mayayaman para magkaroon ng puwesto sa pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni House Committee on Labor and Employment chairman Eric Pineda, kailangan ng masusing pag-aaral pahinggil sa usapin na ito.

Dapat din aniyang tandaan ng lahat na may demokrasya sa bansa kaya mayaman man o mahirap, basta banayad ang hangarin, at handang magtrabaho bilang mambabatas para sa kapakanan ng taumbayan, ay maaring tumakbo sa ilalim ng party-list system.

Para naman kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, 2019 pa lang ay naghain na sila ng panukalang batas para magkaroon ng reporma sa party-list system, hindi para buwagin kundi palakasin pa lalo ito.

Malinaw naman aniyang nakasaad sa Saligang Batas na kailangan 20 percent ng kabuuang bilang ng mga kongresista ay kumakatawan dapat sa mga party-list groups para mabigyan din ng boses ang mga nasa marginalized sector.

Pumalag naman din si Gaite sa akusasyon na ginagamit ng mga communist groups ang ilang party-list.