-- Advertisements --

Ipupursige ng Department of Health (DOH) ang total firecracker ban sa pamamagitan ng paghahanap ng sponsors ng bill sa Kamara at Senado sa pagbabalik ng sesyon.

Ito’y sa kabila ng malaking pagbaba ng 35 percent sa mga biktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na nasa 164 fireworks-related injuries (FWRIs) lamang ang naitala nila sa bansa sa pagsalubong ng 2020, mula noong umaga ng Disyembre 21, 2019 hanggang umaga ng Enero 1, 2020.

Nabatid na ang naturang bilang ay 87 kaso na mas mababa sa 251 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa sa nakaraang taon.

Wika ni Duque, mas bababa pa ang bilang ng mga biktima ng paputok kung magkakaroon ng malinaw na total ban ang lahat ng paputok sa ilalim ng Duterte administration.

Lumalabas na karamihan sa mga injuries ay mula sa National Capital Region na may 84, sinundan ng Calabarzon na may 13 cases; Ilocos region na may 12 cases; Central Luzon na may 11 cases; Cagayan Valley at Western Visayas na may tig-10 cases, habang mas mababa naman sa iba pang lugar.

Nakahanda naman si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magsulong ng bill ukol sa mas mahigpit na batas sa firecrackers.

Nais ni Sotto na taasan ang multa sa mga violators na aabot sa P10,000 hanggang P 50,000 at pagkakakulong na mula anim na buwan hanggang isang taon, depende sa itatakda ng korte.

Maging si Sen. Sherwin Gatchalian ay suportado rin ang naturang panukala.

Nakatakdang mag-resume ang regular session sa Enero 20, 2020.