DAGUPAN CITY – Nakakaramdam na umano ng takot at pag-aalinlangan sa kanilang kaligtasan ang ilang mga mangingisda sa bansa.
Ito ang inamin ni Fernando Hicap, presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA kasunod ng isyu sa banggaan ng Chinese vessel at bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ayon kay Hicap, tila naging ‘trauma’ na sa mga mahihirap na mangingisda ang nangyaring insidente dahil bukod sa posibilidad na tuluyan silang mawalan ng hanap-buhay, hindi na rin umano naaalis ang banta sa kanilang kaligtasan.
Dagdag pa ng opisyal, hindi lamang ito ang unang insidente na nagbigay ng takot sa mga mangingisdang Pilipino.
Kasama na umano rito ang mga napaulat na pagpapataboy ng mga Tsino sa mga bangka ng pinoy habang nangingisda sa ScarboÂrough Shoal o Panatag Shoal at ang pagkuha sa kanilang mga nahuling isda na pinalitan ng mga expired na de lata at noodles.
Sa mga nabanggit na insidente, inihayag ni Hicap na Tsina pa rin ang malinaw na may kontrol sa ilang bahagi ng katubigan sa bansa.