Namataan ng ilang mga mangingisda ng Zambales ang bulto ng shabu na palutang-lutang sa karagatang direktang nakaharap sa West Philippine Sea.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pauwi na umano ang grupo ng mga mangingisda mula sa ilang araw nilang pangingisda sa katubigang bahagi ng WPS nang mamataan ang ilang mga plastic bag na palutang-lutang sa karagatan.
Agad na kinuha ng mga mangingisda ang mga naturang plastic bag at kinalaunan ay natuklasang naglalaman ang mga ito ng shabu. Kabuuang 11 na pakete ang nakuha ng mga mangingisda.
Agad naman nilang dinala sa mga opisyal ng Brgy. Matain, Subic ang mga naturang pakete. Kinalaunan ay ipinasakamay din ang mga ito sa PDEA-Zambales at Philippine National Police.
Ayon sa PDEA, tinatayang nagkakahalaga ng P12.24 million ang mga nakuhang pakete at may timbang na mahigit 1.8 kilo.
Ang grupo ng mga mangingisda ay binubuo ng 7 crew at isang boat captain.
Sa kanilang kwento, namataan nila ang mga naturang kontrabando humigit-kumulang 90 nautical miles mula sa Lubang Islands sa Occidental Mindoro.