Itinaboy palayo ng Panatag shoal sa West Philippine Sea ang ilang mga mangingisdang Pilipino habang may ilan naman na nagawang makalapit ng 200 hanggang 200 meters sa shoal.
Ito ang iniulat ng mga mangingisdang Pinoy na dumalo sa Fisherfolk Congress sa Subic, Zambales nitong Miyerkules ayon kay National Security Council spokesperson Jonathan Malaya.
Aniya, magkakaiba ang kanilang naging karanasan kayat hindi sila araw-araw na hinaharang.
Sa isang statement, sinabi ng NSC na pinulong nito ang Kongreso ng Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran o Fisherfolk Congress sa Subic na dinaluhan ng mahigit 150 mangingisda mula sa coastal communities ng Subic, Santa Cruz at Masinloc, Zambales sa layuning palakasin pa ang pagsusulong para sa maritime peace, safety at sustainable fishing practices sa WPS.
Present din sa naturang pagpupulong si PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela na nagdetalye sa mga ginagawang pagsisikap ng Coast Guard para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mangingisda na nag-ooperate o nangingisda sa territorial waters at exclusive economic zone ng ating bansa.
Matatandaan na simula noong Hunyo 15, inotorisa ng China ang kanilang coast guard na ikulong ang mga dayuhan na ilegal umanong papasok sa disputed waters sa loob ng 60 araw nang hindi dumadaan sa paglilitis.
Nagpatupad din ang China ng unilateral fishing moratorium sa disputed waters hanggang noong Setyembre 16.
Sa kabila nito, ayon kay Philippine Navy spokesperson for the WPS Comm. Roy Vincent Trinidad na walang mga Pilipino ang naaresto simula ng ipatupad ng China ang fishing moratorium.